CAVITE, Philippines —Nalasog ang katawan ng isang traffic enforcer matapos masagasaan ng sinita nitong pampasaherong bus sa tapat ng isang mall sa Pala-Pala, Aguinaldo Highway, Brgy. Sampaloc 1, Dasmarin?as City, nitong Huwebes.
Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-2 ng hapon, kasalukuyang nagpapatupad ng batas trapiko ang biktimang kinilalang si Alfredo Datoon, miyembro ng Traffic Management Unit ng nasabing lungsod, nang sitahin nito ang Erjohn & Almark passenger bus na may plate number UWN 117 at minamaneho ng suspek na si Rollie Vergara, nasa hustong gulang, residente ng Brgy Galicia 2, Mendez, Cavite.
Sinita umano ito ng biktima matapos na magsakay sa “No Loading Zone”
Nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng naturang traffic enforcer at driver at dito agad na pinaharurot ng suspek ang minamanehong bus na nagresulta sa pagkakasagasa at pagkakaladkad ng biktima na halos ikinalasog nito.
Hawak na ng pulisya si Vergara at patuloy pang iniimbestigahan ang insidente kung sinadya nga ba nito ang pagsagasa kay Datoon, lalo pa’t may mga nagsasabing nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang dalawa bago mangyari ang malagim na insidente.