P9.3 milyong unregistered appliances kinumpiska ng DTI sa Bulacan

MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Umabot sa P9.3-milyong halaga ng mga hindi rehistradong ap­pliances ang kinumpis­ka ng Department Of Trade and Industry (DTI) sa dalawang warehouse sa Plaridel, Bulacan kama­kalawa ng umaga.

Pinangunahan ng mga kawani ng DTI’s Fair Trade Enforcement Bureau (FTEB) ang pagsasagawa ng verification at validation sa mga nasabing appliances sa dalawang bodega sa Plaridel matapos makatanggap ng mga reklamo sa mga ilang consumers na nakabili ng mga nasabing appliances.

Kabilang sa mga kinumpiskang appliances ay washing machines, oven toasters, blenders, electric fans, rice cookers at multi cookers.

Ang mga nasabing appliances ay ibinebenta online sa kabila nang unregistered at uncertified ang mga ito.

Ayon kay Fhillip Sawali, DTI at FTEB Director, ang mga nasabing appliances na natagpuan sa dalawang warehouse ay walang Philippine Safety and Import Commodity Clearance marks.

“Safety and quality po ang hinahabol natin dito. Nakakamura ang mga mamimili online. Nakakamura dahil imported. But ayun po ang resulta, unsafe at walang kalidad na mga produkto,” ani Sawali.

Napag-alaman pa na maging ang nasabing dalawang warehouse ay pawang walang mga kaukulang permit at safety mark.

Ang mga nakumpiskang mga appliances ay sinelyuhan at dinala sa DTI warehouse para magamit na ebidensya.

Show comments