MANILA, Philippines — Tatlong magkakapatid na paslit ang namatay habang dalawa pa ang sugatan matapos lamunin ng apoy ang kanilang bahay kamakalawa ng gabi sa Brgy. Dalusan, Maasin, Iloilo.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Maasin BFP, iniwan ng mga magulang sa kanilang bahay ang mga anak na may edad 1, 4, 5, 8, at 12 taong gulang para pumunta sa lamay sa kanilang kapitbahay.
Laking gulat ng mga magulang ng mga biktima nang makitang naglalagablab ng apoy at nilalamon na ang kanilang bahay.
Wala ng magawa ang magulang kundi magsisigaw at tawagin ang mga anak sa gitna ng naglalagablab na sunog.
Sa pagsisiyasat ng Maasin BFP, natutulog ang magkakapatid at hindi kaagad nakalabas sa kanilang nasusunog na bahay ang 4 at 5 taong gulang na mga bata dahil sa may kapansanan na polio at 1 taong gulang na dahil hindi pa masyadong nakakapaglakad.
Nakalabas sa kanilang nasusunog na bahay ang dalawang bata na may edad 8 at 12 pero nagtamo din ang mga ito ng paso sa katawan na kaagad isinugod sa ospital.
Sinasabing sa isang siga malapit sa kanilang bahay ang pinagmulan ng sunog.