Nagdulot ng matinding trapiko
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Isang Public Utility Bus ang nagliyab at tuluyang natupok sa loob ng Shell gas station na nagdulot ng buhol-buhol na trapiko sa kahabaan ng South Luzon Expressway sa Mamplasan, Biñan City nitong Martes ng umaga.
Ayon kay Executive Master Sergeant Elias Marcial, imbestigador ng Highway Patrol Group 4A, nasunog ang Eagle STAR bus na may plakang NAR 1388 matapos makaranas ng problema sa gulong sa likurang kanan nito na humantong sa pagkasunog ng sasakyan,
Sinabi ng driver sa imbestigador na nagsimula ang sunog ng minamanehong bus bandang alas-10:42 ng umaga nitong Martes at agad na kumalat ang apoy sa loob ng bus.
Sinabi ni Marcial na wala namang nag-ulat na nasaktan at nasawi sa insidente na naging sanhi ng malaking epekto ng trapiko hanggang sa umabot ang Southbound tail end sa Soro-Soro.
Umabot ng humigit-kumulang dalawang kilometro ang trapiko, habang sa northbound tail end ay umabot sa Mamplasan na humigit-kumulang isang kilometro ang layo.
Agad namang rumesponde sa insidente ang Bureau of Fire Protection fire marshals ng Biñan at Municipal fire volunteers.
Inabot ng halos 28 minuto ang sunog at idineklarang fire out halos bandang 11:10 ng umaga ng nasabi ring araw.