Mt. Kanlaon nagbuga ng 5K toneladang asupre

Mt. Kanlaon
Interaksyon / PNA file

MANILA, Philippines — Patuloy na binabantayan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang aktibidad ng Bulkang Kanlaon sa Negros island dahil sa patuloy na pagbuga ng mataas na lebel ng asupre.

Batay sa datos ng Phivolcs, umabot sa 5,083 tonelada ng asupre ang ibinuga ng Mt. Kanlaon kahapon. Ito na ang pangalawang pinakamataas na sukat nang nailuwang asupre mula sa bulkan na naitala ngayong taon.

Bukod pa dito, naitala rin ng Phivolcs ang siyamnapung volcanic earthquake sa nakalipas na 24-oras.

Ayon pa sa Phivolcs, patuloy pa rin ang pamamaga ng bulkan na senyales na may pagkilos ng magma sa ilalim nito.

Bunsod nito, nagpaa­lala ulit ang Phivolcs sa publiko na doblehin ang pag-iingat at manatiling maging alerto dahil nakataas pa rin ang alert le­vel 2 sa Bulkang Kanlaon na nangangahulugan na may kasalukuyang mababaw na aktibidad pa rin sa bulkan at maaaring humantong sa pagputok o mas higit pang panganib na idulot ng magmatic na pagsabog.

Patuloy pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa 4-kilometer-radius permanent danger zone upang makaiwas sa panganib na dulot ng pagputok ng bulkan.

Show comments