MANILA, Philippines — Tatlong minero ang patay kasunod ng isang malakas na pagsabog sa hinuhukay na lupa na may lalim na 25 talampakan sanhi upang hindi na makahinga sa Balingasag, Misamis Oriental, nitong Lunes.
Batay sa report, ang mga nasawi ay dalawang lalaki na nasa edad 48 at 38 at ang 15-anyos na anak ng isa sa mga biktima.
Nakaligtas naman at nagpapagaling sa ospital ang isa pa nilang kasama na menor-de-edad.
Lumilitaw sa pagsisiyasat na posibleng sumabog ang water pump engine na ginagamit ng mga biktima at nalanghap nila ang usok nito sanhi upang ma-suffocate.
Bahagyang nahirapan ang mga rescuers dahil 25 feet ang lalim ng butas at makitid, pero kalaunan ay nakuha rin ang bangkay ng mga biktima.
Ayon sa mga saksi, nakarinig sila ng pagsabog mula sa butas kasunod ng pagsigaw ng mga biktima na humihingi ng saklolo.
Sinabi ni Mayor Alexis Quina na ang mga biktima ay maaaring nagmimina ng ginto at namatay dahil sa pagkalason sa carbon monoxide.
Dagdag ng alkalde, ang pagmimina ng mga biktima ay labag sa batas at maaaring managot ang mga opisyal ng barangay na maaaring nakaalam at nagbigay ng basbas sa nasabing pagmimina ng ginto sa lugar.