IRIGA CITY, Camarines Sur, Philippines — Isang 58-anyos na ginang ang patay matapos na mahagip ng tren sa Zone-6, Brgy. San Nicolas, Iriga City, Camarines Sur kamakalawa ng umaga.
Naisugod pa sa Villanueva-Tanchuling Hospital pero nasawi habang nilalapatan ng lunas ang biktima na kinilalang si Fransan Vas, biyuda, at residente ng naturang lugar.
Sa ulat, dakong alas-11 ng umaga, naglalakad ang biktima sa riles ng tren gayunman marahil ay hindi niya napansin na parating na ang tren na galing sa bayan ng Baao patungong PNR site sa naturang lungsod at tinangka nitong tumawid dahilan para mahagip ang biktima sa gilid na bahagi.
Tumalsik ang ginang na agad sinaklolohan at isinugod sa pagamutan pero dahil sa maselang lagay ay namatay rin sa naturang pagamutan.
Dahil naman sa magkakasunod na aksidente sa tren kung saan tatlo na ang nasawi simula nang ibalik ang biyahe ng commuter train sa pagitan ng lalawigan ng Albay at Camarines Sur kaya gumawa ng paraan ang management sa pangunguna ni OIC Gen. Manager Atty. Celeste Lauta na personal na puntahan at kausapin ang lahat ng lokal at barangay officials ng 18-bayan at lungsod na dinadaanan ng riles.
Nagkaroon sila ng dialogue sa mga barangay at hiningi ang tulong ng mga opisyal upang magkaroon ng hakbang para hindi na maulit ang aksidente.