Convenience store hinoldap ng tandem, cashier pinosasan

CAVITE, Philippines — Isa na namang convenience store ang hinoldap ng riding-in-tandem kama­kalawa sa Brgy. Biga, bayan ng Tanza, sa lalawigang ito.

Natangay ng mga ‘di nakilalang suspek ang perang kinita ng araw na iyon at pinosasan pa ng mga suspek ang cashier na kinilalang si Michael James Boy, 25 anyos, shift leader, ng Brgy. Sanja Mayor, Tanza, Cavite.

Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-7:30 ng umaga nang pumasok ang dalawang suspek at nagpanggap na customer sa isang sangay ng Alfamart sa nasabing lugar.

Nagpaikut-ikot pa ang dalawang kawatan sa loob ng store at nang makatiyempo ay nilapitan ang biktima at nagdeklara ng holdup.

Pinosasan pa ng mga suspek ang cashier at ang nilimas ang laman ng kaha bago mabilis na tumakas sakay ng kulay dilaw na motorcycle patungo umano ng Tanza Town Proper.

Ang isa sa mga suspek ay tinatayang nasa edad na 18-25 anyos nakasuot ng yellow t-shirts, itim na pantalon at naka gray na sumbrero habang ang isa pang kasama nito ay tinatayang nasa edad na 45-50 anyos, naka itim na  jacket, itim na pantalon at nakasuot din ng sumbrero.

Show comments