6 patay sa bumaliktad na truck!

Batay sa inisyal na report ng Davao del Norte PPO, kabilang sa nasawi ang tatlong menor-de-edad na pawang inaalam pa ang pagkakakilanlan.
STAR/File

MANILA, Philippines — Anim katao ang nasawi nang bumaligtad ang kanilang sinasak­yang Elf truck habang bumabagtas sa national road ng Lower Mesolong, Brgy. Sto. Niño sa bayan ng Talaingod, Davao del Norte nitong Linggo ng umaga.

Batay sa inisyal na report ng Davao del Norte PPO, kabilang sa nasawi ang tatlong menor-de-edad na pawang inaalam pa ang pagkakakilanlan.

Lumilitaw na nasa 25 katao ang sakay sa Isuzu truck at patungo   sa beach sa bayan ng Mabini, Davao de Oro. Subalit pagsapit sa pakurba at palusong na kalsada ay nawalan umano ng preno ang truck.

Nagpagewang-gewang hanggang sa tumagilid at mahulog sa creek sa tabi ng kalsada, kung saan tumilapon ang ilang pasahero na karamihan ay nakasakay sa likuran.

Sa tala ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office, bukod sa anim na namatay, nasa 19 pa ang sugatan na sakay ng nasabing truck.

Isinugod ang mga sugatan sa Kapalong District Hospital.

Show comments