BATANGAS, Philippines — Tatlong hinihinalang miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) ang napatay ng mga sundalo sa engkwentro sa bayan ng Tuy, dito sa lalawigan nitong Linggo ng umaga.
Ayon sa report ng Tuy Municipal Police, sumiklab ang engkwentro sa Sitio Maligas, Barangay Acle sa pagitan ng mga tropa ng 59th Infantry Battalion ng Philippine Army at hindi pa malamang dami ng mga rebelde bandang alas-6:30 ng umaga.
Dalawang rebelde na isang lalaki at isang babae ang agad na napatay sa engkwentro kung saan narekober ang tatlong matataas na kalibre ng baril.
Ayon kay Lt. Col. Ferdinand Bruce Tokong, sa isinagawa nilang clearing operation, isa pang labi ng lalaking rebelde ang kanilang natagpuan sa Barangay Bolbok.
Matapos ang sagupan, agad na hiniling ni Tokong sa Scene of the Crime Operatives para magsagawa ng imbestigasyon. Inalarma rin niya ang Tuy Police para magsagawa ng dragnet operation laban sa mga tumatakas pang mga rebelde.