P6.8 milyong shabu samsam ng PDEA-9, drug dealer timbog
COTABATO CITY - Nasamsam ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency-9 ang P6.8 milyon na halaga ng shabu sa isang dealer na na-entrap nitong Sabado ng hapon sa sentro ng Kabasalan sa probinsya ng Zamboanga Sibugay.
Kinumpirma nitong Linggo ni Maharani Gadaoni-Tosoc, director ng PDEA-9, na nasa kustodiya na nila ang nalambat na shabu dealer na si Hairy Ramos Baladji, 42-anyos, na kakasuhan sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Kusang loob na nagpaaresto si Baladji nang malaman na mga PDEA-9 agents, mga kasapi ng Kabasalan Municipal Police Station at Zamboanga Sibugay Provincial Police Office ang kanyang nabentahan ng isang kilong shabu na nagkakahalaga ng P6.8 milyon nitong Sabado sa poblacion ng Kabasalan.
Ayon kay Gadaoni-Tosoc, naging matagumpay ang entrapment operation sa tulong ng mga barangay officials na alam ang matagal nang malakihang pagbebenta ng shabu sa Kabasalan.
- Latest