MANILA, Philippines — Dumanas ng panibagong dagok ang Daulah Islamiyah-Turaife Group (DI-TG) terrorists kasunod ng pagsuko sa tropa ng militar ng labing-isa nitong miyembro sa Brgy. Buayan, Datu Piang, Maguindanao, ayon sa opisyal nitong Sabado.
Sa report ni Lt. Gen. William Gonzales, Commander ng AFP-Western Mindanao Command, isinurender rin ng mga lokal na terorista ang pitong matataas na kalibre ng armas ng mga ito at apat na maiikling kalibre ng baril.
Kabilang sa mga isinuko ay isang Bushmaster rifle, tatlong 40 MM M79 grenade launchers, isang cal .30 sniper rifle, isang 60 MM mortar, isang 7.62 MM sniper rifle, dalawang 9 MM Uzi, isang cal. 45 pistol at isang cal. 38 revolver.
Ang naturang mga terorista na sumurender kamakalawa sa mga kasapi ng Army’s 6th Infantry Battalion (IB) ay kabilang sa nalalabing miyembro ng DI-TG na namumugad sa Maguindanao del Sur.
Inihayag ni Gonzales na ang mga nagsisukong terorista ay kanilang ipapa-enrol sa AGILA- Haven Program ng lokal na pamahalaan sa Maguindanao del Sur, isa itong platfrom para mabigyan ng oportunidad ang mga nagsisukong kalaban ng estado na mapagbagumbuhay at magkaroon ng munting kabuhayan.