Drug den operator, 2 pa timbog sa Davao Occidental

Sa mga hiwalay na ulat nitong Sabado ng PDEA-11 at ng Davao Occidental Provincial Police Office (PPO), nakakulong na ang tatlong lalaking suspects, pansamantalang hindi muna kinilala habang inaalam pa kung sinu-sino ang kanilang mga contacts sa probinsya.
Philstar.com / Jovannie Lambayan

COTABATO CITY, Philippines — Arestado ang isang drug den operator at dalawang kasabwat sa ikinasang drug buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at pulisya sa Barangay Fishing Village, Malita, Davao Occidental nitong Huwebes.

Sa mga hiwalay na ulat nitong Sabado ng PDEA-11 at ng Davao Occidental Provincial Police Office (PPO), nakakulong na ang tatlong lalaking suspects, pansamantalang hindi muna kinilala habang inaalam pa kung sinu-sino ang kanilang mga contacts sa probinsya.

Hindi na pumalag ang tatlo nang arestuhin ng mga hindi unipormadong PDEA-11 agents at mga magkasanib na mga operatiba ng Malita Police Station at ng Davao Occidental PPO matapos silang bentahan ng P10,000 na halaga ng shabu mismo sa kanilang drug den sa Sitio Pamana sa Barangay Fishing Village.

Nakunan din ang mga suspek ng karagdagang P35,000 na halaga ng shabu at mga gamit sa pagsinghot nito sa loob ng kanilang drug den.

Ayon sa mga opisyal ng PDEA-11, naikasa ang naturang matagumpay na operasyon sa tulong ng mga Malita local government executives at mga barangay officials ng naturang bayan. 

Show comments