ALIAGA, Nueva Ecija , Philippines — Nakipagbuno ang isang babae sa isa umanong “tulak” ng droga na na-“wow mali” nang alukan siya nito ng shabu sanhi ng pagkakaaresto ng suspek sa tulong ng mabilis na pagresponde ng mga opisyal ng Barangay San Felipe Bata ng bayang ito, noong Biyernes ng umaga.
Ayon sa ulat ng Aliaga Police, dinala sa kanilang istasyon ang suspek na isang 57-anyos na lalaki, isang tricycle driver at residente ng Barangay Ibabao-Bana, Cabanatuan City, at nakuha sa pag-iingat nito ang isang plastic sachet ng 1.5 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang P10,200.
Sa ulat, alas-10 ng umaga, sakay ng kanyang kulay pula na Bajaj tricycle ang suspek nang huminto umano sa tapat ng bahay ng babaeng biktima.
Gulat na gulat ang babae nang biglang ialok umano ng suspek sa kanya ang dala nitong droga na humantong sa pakikipagbuno ng biktima sa suspek, kasabay ng paghiyaw nito at paghingi ng tulong sa mga kapitbahay.
Dahil dito, agad na nagdatingan ang ilang kapitbahay ng babae at ang mga nakaalertong tanod at opisyal ng barangay na siyang humuli sa suspek.
Ayon sa pulisya, maaari umanong na-“wow mali” lang ang suspek sa pagbibigyan sana nito ng droga kung kaya naaresto at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Sec. 11, Article II ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.