COTABATO CITY, Philippines — Nanawagan ng malalim na imbestigasyon ang mga taga-Lamitan City sa pambobomba ng isang gasolinahan sa lungsod nitong gabi ng Martes, na kumbinsidong gustong ipahiya ang mga opisyal na nagdeklarang Abu Sayyaf free na ang 45 barangays na sakop nito.
Pinasabugan ng homemade na bomba ang gasoline station sa Barangay Matibay kasunod ng State of the City Report ni Lamitan City Mayor Roderick Furigay nitong umaga ng Martes kung saan idineklara nila Basilan Gov. Hadjiman Salliman at ng mga opisyal ng 101st Infantry Brigade at ng Basilan Provincial Police Office na wala ng presensya ng Abu Sayyaf sa lungsod.
Isang menor-de-edad na residente ang bahagyang nagalusan sa pambobomba, ayon sa ulat nitong Miyerkules ni Lt. Col. Arlan Delumpines, Lamitan City police chief, na nagpahayag din na may paniwala silang mga extortionists ang may pakana nito at hindi mga teroristang Abu Sayyaf.
Naniniwala ang mga barangay officials sa Lamitan City, kilalang mga political supporters ni Salliman, na hindi mga Abu Sayyaf ang nasa likuran ng naturang pambobomba at posible diumanong may grupo lang na nais mapahiya ang mga local executives, si Salliman at mga opisyal ng Basilan PPO at 101st Infantry Brigade sa kanilang magkatuwang na deklarasyon na wala ng ni isa mang Abu Sayyaf sa lungsod.
Una nang nadeklara nito lang June 4 ng mga kinauukulan, kabilang sina Salliman, si Brig. Gen. Alvin Luzon ng 101st Infantry Brigade, at ang mga opisyal ng Basilan provincial police, bilang Abu Sayyaf-free ang bayan ng Lantawan, mga 50 kilometro ang layo mula sa Lamitan City.