‘Displaced fisherfolks, bigyan ng alternatibong kabuhayan’

Senator Francis Tolentino on March 18, 2024.
STAR/Jesse Bustos

Sa tumitinding sigalot sa West Philippine Sea

MASINLOC, Zambales, Philippines — Nanawagan si Senate Majority Leader Senator Francis “Tol” Tolentino sa mga ahensya ng pambansang pamahalaan, partikular sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na makipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan para bigyan ng alternatibong kabuhayan ang grupo ng mangingisdang apektado ng patuloy na sigalot sa West Philippine Sea (WPS).

Noong Lunes, binisita ni Tolentino ang tatlong coastal municipalities – Sta. Cruz, Masinloc, at Subic sa lalawigang ito at namahagi ng tulong sa mahigit 500 mangingisda. Pinangunahan din niya ang pulong sa bulwagan ng bayan na tinaguriang “Talakayang WPS”, kasama ang mga pinuno ng lokal na pamahalaan, mga kinatawan mula sa BFAR at Philippine Coast Guard (PCG), at mga pinuno at miyembro ng iba’t ibang kooperatiba at asosasyon ng mga mangingisda.

“We will explore what alternative means of livelihood can be provided, and I promise to press our government agencies to assist you,” paniniyak ng senador sa mga mangingisda.

Sa joint interview kasama si Sen. Tol, pinabulaanan ni Mayor Arsenia Lim ang mga alegasyong pinipigilan ng pamahalaang munisipyo ang mga lokal na mangingisda na maglayag sa Bajo de Masinloc, kasunod ng iniulat noong Hunyo 15 na pagpapatupad ng bagong regulasyon ng China na nag-uutos sa coast guard nito na ikulong ng 60 araw ang mga tinatawag nilang “trespassers” sa ­inaangking mga teri­toryo sa WPS.

Gayunman, umapela ang alkalde sa mga ma­ngingisda na mag-ingat sa pamamagitan ng pag­rehistro ng mga pangalan sa pamahalaang munisipyo, upang ma­kilala at masubaybayan ng mga awtoridad ang kanilang lokasyon nang sa gayo’y matulungan sila sa panahon ng emergency. Pinaalalahanan din niya ang mga mangingisda na iwasan ang mga lugar sa bahura kung saan posibleng maharap sila sa panganib.

Sa parehong panayam, tiniyak ni PCG commander Severino Destura Jr. na nakahanda ang kanyang mga tauhan na tulungan at protektahan ang mga lokal na mangingisda.

“Walang nagbaba­wal sa atin na mangisda sa Bajo de Masinloc kaya ang mga barko ng PCG ay patuloy na nagbabantay. Ang advise lang po namin ay iwasan lang na lumapit at mangisda kung saan maaaring mag-provoke sa mga CCG vessels, lalo na kung walang presence ng PCG sa area. Poproteksyunan po namin kayo sa abot ng aming makakaya,” ani Destura.

Show comments