TIAONG, Quezon, Philippines —Pormal nang sinimulan ng lokal na pamahalaan ng bayang ito ang isang linggong pagdiriwang ng 2nd BAYANiJUAN Festival 2024.
Sinimulan ang pagdiriwang sa pamamagitan ng Misang Pasasalamat at sinundan ng Kababaihang Meaksyon ng Tiaong (KMEA) BAYANiJUAN Cook Fest na nilahukan ng 10 clustered groups na mga kababaihan mula sa tatlumpu’t isang (31) barangay ng bayan ng Tiaong.
Dito ay nagtagisan ang mga grupo sa pasarapan ng pagluluto ng iba’t ibang lokal na putahe o lutong bahay na mga pagkain. Tumanggap ng halagang P17,000 ang Cluster 9 na tinanghal na 1st place; P15,000 para sa 2nd place na nakamit ng Cluster 10; P13,000 para sa 3rd place na nakamit ng Cluster 3, at ang pitong grupo na hindi pinalad na magwagi ay tumanggap ng tig-P11,000 bilang consolation prizes.
Binuksan din ang Agri-Tourism Trade Fair kung saan makikita at mabibili ang iba’t ibang lokal na produkto na nagmula mismo sa bayan ng Tiaong.
Nagsimula ang BAYANiJUAN Festival noong nakaraang taon na ayon kay Mayor Mea ay bilang pagpaparangal kay San Juan Bautista na patron ng naturang bayan at upang ipakita ang pagkakaisa ng bawat Tiaongin, na mas kilala ngayon sa katagang “Tiaong Stronger Together.”