Manhunt vs Quiboloy, paiigtingin ng bagong hepe ng PNP-Davao region

Apollo Quiboloy.
AFP / Manman Dejeto

MANILA, Philippines — Tiniyak ng bagong hepe ng Police Regional Office 11 na si PBrig. Gen. Nicolas Torre III na mas paiigtingin nila ang kanilang monitoring at manhunt operation laban sa wanted na lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si Pastor Apollo Quiboloy.

Ayon kay Torre, mas dodoblehin nila ang surveillance sa mga lugar na posibleng puntahan at pagtaguan ni Quiboloy.

Nilinaw ni Torre na tuluy-tuloy naman ang kanilang manhunt ­operation sa lahat ng mga wanted at may warrant of arrest.

Nahaharap si Quiboloy sa sexual at child abuse at human trafficking.

Hindi aniya bibigyan ng special treatment si Quiboloy at lalong hindi titigil ang kanyang mga tauhan sa kanilang police operation upang maiharap sa korte ang pastor.

Naging mailap si Quiboloy nang hindi maabutan sa kanyang tatlong pag-aaring lupain nang ihain ng pulisya ang warrant of arrest kamakailan.

Ang kabiguang maaresto si Quiboloy ang naging dahilan ng pagkakasibak ng da­ting hepe ng PRO 11, at 12 pang pulis.

Show comments