Dalagang PWD ginahasa, pinatay sa sakal

Dalang wallet, tinangay

OAS, Albay, Philippines — Hustisya ang panawagan ngayon ng mga kaanak ng isang 28-anyos na dalagang person with disability (PWD) matapos na madiskubreng patay na at pinaniniwalaang biktima ng panggagahasa sa palayang bahagi ng Brgy. Balogo, Oas, Albay kamakalawa ng umaga.

Hubo’t hubad nang matagpuan at pinaniniwalaang pinatay sa sakal habang nakatihaya ang biktima na itinago lamang sa pangalang “Dorothy”, isang pipi at bingi, at residente ng Brgy. Maporong ng naturang bayan.

Sinabi ng pulisya na nawawala rin ang dalang wallet ng biktima nang madiskubre ang kanyang bangkay.

Sa ulat, noong hapon ng Hunyo 15 ay nawawala ang biktima kaya laking gulat ng kanyang mga kaanak nang matagpuan ang dalaga kinaumagahan ng ilang residente na patay na sa gitna ng palayan sa katabing barangay.

Isinailalim na sa awtopsiya ang bangkay ng biktima upang makumpirma ang sanhi ng kanyang kamatayan habang patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente upang matukoy ang salarin.

Show comments