MANILA, Philippines — Umapela ang isang electric consumer sa Davao del Norte sa pamahalaang nasyonal na huwag silang kaladkarin sa hidwaan sa pulitika at sa halip ay tulungan na lamang sila kung paano magkakaroon ng maayos na pamumuhay.
Ginawa ng Davao Consumer Movement ang panawagan bilang reaksiyon sa pinalawig na suspensiyon ni Davao del Norte Gov. Edwin Jubahib.
“This spat between politicians is weighing down on the people of Davao del Norte as they continue to suffer under the extremely poor and below-average power service and high power rates of the Northern Davao Electric Cooperative (NORDECO),” ayon sa Davao Consumer Movement sa isang pahayag.
Si Jubahib ay inisyuhan ng 30-day suspension order ng gobyerno maliban pa sa naunang 60-araw na pagkakasuspinde nito sa alegasyon ng paggamit umano ng pondo ng gobyerno para suportahan ang mga rally laban sa NORDECO.
Ang gobernador ay kilala sa rehiyon sa mariing pagtutol sa mga personalidad ng NORDECO dahil nais umano nitong pumasok ang bagong player ng elektrisidad sa lalawigan.
Ang electric cooperative ay siyang pangunahing provider ng power supply sa mga lugar na saklaw ng hurisdiksiyon ni Jubahib.
“Ironically, the Governor’s suspension was born out of his support for House BIll 6740, which the Davao Consumer Movement also supports,” anang grupo.
Samantala, nanawagan din ang grupo na aprubahan na ang House Bill (HB) 6740 na iniakda ni PBA Party-list Rep. Migs Nograles at Senior Majority Leader kasama si presidential son at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos na nagsusulong sa mas mababang presyo ng elektrisidad at maayos na serbisyo ng kuryente sa buong rehiyon ng Davao del Norte at Davao de Oro.