Kelot pinabulagta ng kausap sa Rizal

MANILA, Philippines — Patay ang isang lalaki nang bigla na lang barilin ng mga lala­king kanyang kausap sa Cainta, Rizal kama­kalawa ng gabi.

Ang biktima na kinilala lang na si Russel San Miguel ay naisugod pa sa Cainta Municipal Hospital ngunit binawian rin ng buhay habang nilalapatan ng lunas ng mga doktor.

Samantala, nakatakas at tinutugis na ng mga awtoridad ang mga di pa kilalang salarin sa krimen.

Batay sa ulat ng Cainta Municipal Police Station, nabatid na dakong alas-9:45 ng gabi nang maganap ang krimen sa Saint Christopher St., kanto ng Saint Paul St. sa Area 5, Brgy. San Isidro, Cainta.

Sa salaysay ng isang testigo sa krimen, na hindi na pinangalanan para sa proteksiyon nito, nabatid na naglalakad na siya pauwi, nang makita ang biktima na kausap ang mga suspek sa naturang lugar.

Nagulat na lang umano siya nang maya-maya ay makarinig ng dalawang magkasunod na putok ng baril.

Nang alamin ang pinagmulan ng putok, dito na niya nakita ang biktima na duguan nang nakahandusay habang papatakas na ang mga salarin, lulan ng isang motorsiklo, patungo sa Herrera St..

Ayon sa pulisya, isa ang anggulong ilegal na droga sa mga motibong tinututukan nila sa kaso.

Show comments