MANILA, Philippines — Umaabot na sa P11. 33 milyon ang pinsala sa agrikultura sa pagputok ng Bulkang Kanlaon sa Negros Island.
Sa pinagsamang ulat ng mga lokal na opisyal at ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC), ang bayan ng La Castellana ang pinakamatinding naapektuhan na nakapagtala ng P9,840,000 na pinsala sa pananim.
Ang mga napinsalang pananim dulot ng pagdaloy ng lahar mula sa bunganga ng bulkan ay mga palay, mais at iba pang high value crops.
Ayon sa ulat, ang ashfall ng bulkan ay nakaapekto sa mga pananim kung saan dapat ay nasa 548.77 metrikong tonelada ang aanihin ng mga magsasaka.
Bukod sa La Castellana kabilang pa sa mga dumanas ng ashfall ay ang La Carlota, Pontevedra, San Carlos, Valladolid at Bago sa Negros Occidental.
Samantala, ang mga residente ng Bacolod City, Pontevedra, Murcia, Valladolid, San Enrique, Bago City, Binalbagan at La Castellana ay nakararanas pa rin ng pagbagsak ng mga bato at masangsang na amoy ng sulfur mula sa bulkan simula nang pumutok ito noong Hunyo 3.
Nagpadala na ang Office of Civil Defense ng Rapid Deployment Team at water filtration truck para mabigyan ng malinis na maiinom na tubig ang mga evacuees na apektado ng pagdaloy ng lahar sa La Carlota City at La Castellana na dumating sa lugar nitong Lunes ng umaga.
“The water filtration equipment can produce 50,000 liters of water per day to serve the population affected by the Kanlaon eruption,” ayon sa OCD.
Idinagdag pa sa report na ang Rapid Deployment Team ay mananatili sa lalawigan sa loob ng 2 linggo.