Police colonel patay, 4 pa sugatan

Sa report ng Police Regional Office (PRO) 13, kinilala ang nasawing opis­yal na si P/Lt. Col. Renars Salubre, nakatalaga sa Dinagat Islands Provincial Police Office (PPO) at residente ng Purok 6, Brgy. Bading, Butuan City.
STAR/ File

2 sasakyan inararo ng pickup truck:

MANILA, Philippines — Patay ang isang police colonel habang apat ang sugatan kabilang ang tatlong menor-de edad matapos na araruin ng isang pickup truck ang dalawang behikulo sa kahabaan ng South Montilla Boulevard sa lungsod ng Butuan, Agusan del Norte nitong Biyernes ng gabi.

Sa report ng Police Regional Office (PRO) 13, kinilala ang nasawing opis­yal na si P/Lt. Col. Renars Salubre, nakatalaga sa Dinagat Islands Provincial Police Office (PPO) at residente ng Purok 6, Brgy. Bading, Butuan City.

Ginagamot naman sa Butuan City Hospital ang mga sugatan na hindi pa tinukoy ng awtoridad ang mga pangalan.

Sa Facebook post ng Dinagat at CARAGA Police, bumaha ng pakikiramay sa pamilya ng nasawing opisyal.

Base sa imbestigasyon, naganap ang insidente bago maghatinggabi nitong Biyernes sa kahabaan ng South Montilla Boulevard, Purok 8, Brgy J.P. Rizal, Butuan City.

Ayon sa pulisya, binangga ng isang Nissan Navar­ra midsize pickup truck na minamaneho ng isang alays “Viv”, 43, ang isang Yamaha STX tricycle na minamaneho ng isang alyas Felix, 36.

Tuluy-tuloy ring inararo ng pickup truck ang isa pang nakaparadang behikulo sa tabi ng highway kung saan nagkataong nakatayo si Col. Salubre sa tabi ng kaniyang sasakyan sakay ang kaniyang pamilya.

Mabilis na isinugod sa pagamutan ng mga res­cuers ang mga biktima pero idineklara nang dead-on-arrival ang colonel habang patuloy na ginagamot ang mga sugatan.

Show comments