Sa pagkamatay ng drug suspect
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Pinapatawag sa pagdinig ng Kamara ang mga matataas na opisyal ng pulisya sa Calabarzon kasama ang 9 na intelligence operatives na sinibak, kaugnay sa pagpatay sa isang drug suspect sa boundary ng Tiaong, Quezon at San Juan, Batangas noong Mayo 28.
Ayon kay Rep. Dan Fernandez ng Lone District, Santa Rosa City, at chairman ng House Committee on Public Order and Safety, sina Calabarzon Police director, Brig. Gen. Paul Kenneth Lucas, bagong naluklok na Batangas Police director, Col. Jacinto “Jack” Malinao, at sinibak na San Juan, Batangas chief of police Lt. Col Jesus Lintag at walo sa kanyang mga tauhan na nakatalaga sa intelligence unit; OIC-Chief of Police Col. Rommel Sobrido at ang mga tauhan Tiaong Police ay kabilang sa mga pulis na dadalo sa pagdinig ng House of Representatives, Martes ng umaga.
Bukod sa mga matataas na opisyal, sinabi ni Fernandez na imbitado rin sa pagdinig ang pamilya ng biktimang si Bryan Laresma, 33, alyas “Balot”, ilang saksi at ang regional director ng National Police Commission.
Si alyas “Balot” ay napatay sa umano’y shootout ng mga anti-narcotics operatives sa Barangay Lipahan noong Mayo. 28.
Sinabi ni Fernandez sa Pilipino STAR Ngayon na si retired Police General Romeo Acop, kongresista ng Antipolo City’s second district at cice-chairman ng House Committee of Public Order and Safety, ay naghain ng resolusyon na may kinalaman sa illegal drug bust operation na isinagawa ng mga pulis na naganap sa mga hangganan ng Tiaong, Quezon at San Juan, Batangas.