2 ‘gunrunner’ huli sa entrapment, 3 rifle samsam ng CIDG-BAR
COTABATO CITY, Philippines — Dalawang illegal gun dealers ang naaresto ng mga operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) matapos na makumpiskahan ng tatlong assault rifles sa ikinasang entrapment operation sa Barangay Sarang, Malabang, Lanao del Sur kahapon ng hapon.
Ayon kay Brig. Gen. Prexy Tanggawohn, director of the Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (BAR), ang dalawang hinihinalang gunrunners ay kinilalang sina Jamel Cabila Musor at Pananggi Sarip Ampuan.
Ang dalawa ay kakasuhan ng paglabag sa Republic Act 10591 dahil sa posesyon at pagbebenta ng mga armas na walang permiso mula sa pamahalaan o awtoridad.
Sinabi ni Tanggawohn na agad inaresto sina Musor at Ampuan ng mga ahente ng CIDG-BAR na pinamumunuan ni Lt. Col. Ariel Huesca, matapos silang bentahan ng dalawang M14 rifles at isang M16 rifle na may magazines at kargado ng 7.62 at 5.56 millimeter ammunition, sa may highway ng Barangay Sarang, Malabang.
Dagdag ng opisyal, naging matagumpay ang operasyon laban kina Musor at Ampuan matapos na makatanggap ng tip si Huesca at mga tauhan nito mula sa mga confidential informants hinggil sa gunrunning activities ng dalawa sa Lanao del Sur, isa sa mga lalawigan sa Bangsamoro region.
Nasa kustodya na ng CIDG-BAR ang mga suspek na inuugnay sa Dawlah Islamiya terror group.
- Latest