Rehab sa Marawi, nais ni Pangulong Marcos na tapusin na

MANILA, Philippines — Nais na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na tapusin na sa lalong madaling panahon ang rehabilitasyon sa Marawi City na winasak ng digmaan sa pagitan ng tropa ng militar at ng Maute-ISIS Group  halos pitong taon na ang nakalilipas.

Una rito, si Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Aduiong ay nagsagawa na ng site inspection sa lugar at konsultasyon sa publiko upang tiyakin na mapapabilis na ang rehabilitasyon sa nasabing siyudad. 

Kabilang sa binisita ng mga mambabatas ay ang Temporary and Permanent Shelters, ang inirekomendang Bulk Water System, mga nasirang istraktura sa giyera sa mga pinakaapektadong lugar sa lungsod, ang Golden Mosque at Rizal Park and Freedom Park ng Marawi.

 Layunin sa pagdalaw na personal na makita ang kalagayan ng kinakaharap ng mga bakwit o internally displaced persons (IDPs) at kagyat na pangangailangan upang maisakatuparan ang pagsasaayos sa lungsod.

 Sa isinagawang pagdinig na dinaluhan ng mga opisyal ng National Housing Autho­rity (NHA), inatasan ang tanggapan na magsu­mite ng detalyadong report sa pagkakaroon ng sapat na pansamantala at permanenteng pabahay ng IDPs.

Inusisa rin ni Adiong, kasama ang grupo ng mga mambabatas na tinaguriang “Young Guns” na sina Asst. Minority Leader 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez at Committee on Mindanao Affairs Chairman Misa­mis Oriental 2nd district Rep. Yevgeny Vicente Emano, ang bagong acting general manager ng LASURECO, upang masiguro na maibabalik na ang suplay ng kur­yente sa Marawi City.

  Kaugnay sa suplay ng tubig, iminungkahi nina Chairperson Adiong, Rep. Emano, at Governor Mamintal Alonto Adiong Jr., ang pakikipag-ugnayan sa Department of National Defense (DND) para sa lokasyon ng bulk water system sa loob ng kampo ng militar bilang pangmatagalang solu­syon sa problema sa tubig.

Show comments