Sa bigong ambush sa vice mayor
MALOLOS CITY, Philippines — Sinipa sa puwesto ang chief of police ng San Miguel, Bulacan na si PLt. Col. Avelino Protacio-ll, matapos na umano’y di aksyunan ang tangkang pag-ambush sa isang bise alkalde at kanyang pamilya, dito sa lungsod.
Sa ulat, una nang hinagisan ng dalawang granada ang convoy na sinasakyan ni San Miguel Municipal Vice Mayor John “Bong” Alvarez habang patungo sa Sesyon noong
Hunyo 3, 2024 dakong alas-12:21 ng hapon.
Sinabi ni Vice Mayor Alvarez na kasama niya ang dalawang anak na sina Fatima, John Daniel at apong si Laurence nang hagisan ng dalawang granada ang kanilang sinasakyang Toyota Grandia van na may conduction sticker na P5J-567 at masuwerteng hindi sumabog.
Base sa follow-up report ng mga awtoridad, dalawang lalaki na lulan ng motorsiklo ang mga suspek sa insidente.
Makikita rin sa CCTV na nakaabang na ang mga salarin mula sa tahanan ng bise alkalde hanggang sa makaalis sila papuntang munisipyo ng San Miguel.
Samantala, pansamantalang itinalagang OIC ng San Miguel Police Station si PMaj. Dela Cruz, habang patuloy ang imbestigasyon kung sino ang nasa likod ng tangkang pag-ambush sa pamilya Alvarez.