Mga residente nanawagan na ng ‘tubig’
MANILA, Philippines — Nagpatupad ng curfew ang bayan ng La Castellana sa Negros Occidental habang hirap ang mga residente sa paghahanap ng tubig na maiinom nang umagos na ang lahar at maapektuhan ang mga pinagkukunan nila ng tubig dulot ng pagputok ng Bulkang Kanlaon.
Ayon kay Mayor Alme Rhummyla Nicor-Mangilimutan, ipatutupad ang daily curfew sa kanilang buong bayan base sa inisyu niyang Executive Order No. 024-026 mula alas-9 ng gabi hanggang alas-4 ng umaga.
Epektibo ang curfew nitong Biyernes na mahigpit na oobserbahan sa nasabing bayan na naglalayong ilayo ang mga residente sa banta ng panganib.
Base sa mensaheng ipinaabot ng alkalde, naapektuhan ng mataas na antas ng sulfur dioxide ang mga sources ng tubig sa kanilang bayan. Ang mga residente ay dumaraing ng tulong sa pamahalaang nasyonal para sa malinis na maiinom na tubig at iba pang ayuda.
Sinabi ng alkalde na ang malinis na maiinom na tubig ang isa sa matinding suliranin ng kanilang bayan ngayon dahil sa 13 barangay na may 80,000 residente ang tinamaan ng sulfur dioxide mula sa bulkan.
Magugunita na pumutok ang Mt. Kanlaon sa Negros Island noong Lunes matapos ang anim na taon at kalahati na huling pag-aalboroto nito.