Lantawan, Basilan, ‘Abu Sayyaf free’ na
MANILA, Philippines — Matapos ang ilang dekada sa wakas ay idineklara nang “Abu Sayyaf free” ang dating balwarte ng mga bandido sa Lantawan, Basilan.
Ito’ y matapos namang ianunsiyo ni Basilan Gov. Hadjiman Hataman-Saliman na nakalaya na ang kanilang bayan sa terorismong inihahasik ng Abu Sayyaf Group (ASG) na sinang-ayunan naman ng mga opisyal ng militar at pulisya sa lalawigan.
Binigyang diin ni Gov. Hataman-Salliman ang kahalagahan ng pagkakaisa sa lalawigan para matamo ang kapayapaan.
Sa nasabing seremonya, sari-saring mga armas na isinuko ng mga personalidad ng Abu Sayyaf sa tropa ng pamahalaan na kinabibilangan ng isang 50 Cal Barret Sniper rifle, apat na M16A1 rifles, dalawang M1 Garand rifles, isang MAC-11 machine pistol/submachine gun, isang Shotgun, isang M79 grenade launcher at dalawang .45 caliber pistols.
Sinabi naman ni Brig. Gen. Alvin Luzon, commander ng 101st Infantry Brigade, ang deklarasyon ng bayan ng Lantawan bilang ASG-free ay isang mahalagang bahagi ng kasaysayan.
Magugunita na ang bayan ng Lantawan ay nagsilbing battlefield sa bakbakan ng tropa ng militar at ng Abu Sayyaf Group sa ilalim ng liderato ng mga napaslang na bandido. Kabilang dito sina dating ASG commander Abdurajak Abubakar Janjalani, founder ng Abu Sayyaf Group; Khadaffy Janjalani; Abu Sabaya; and Isnilon Hapilon, dating emir ng ISIS sa Southeast Asia.
Ang deklarasyon, ayon pa sa opisyal ay patunay lamang ng hindi matatawarang committment ng lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Lantawan Mayor Nasser Abubakar, ng matatapang na mamamayan ng nasabing bayan at walang humpay na pagsusumikap ng government forces para makamit ang kapayapaan.
Sa panig ni Lt. Gen.William Gonzales, commander ng AFP-Westmincom, ang deklarasyon na Abu Sayyaf free na ang Lantawan ay isang tagumpay sa kampanya kontra terorismo.
- Latest