REAL, Quezon, Philippines — Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang babaeng estudyante habang malubhang nasugatan ang kanyang backrider na isa ring estudyante matapos mabangga ng kasalubong na van ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa National Road na sakop ng Purok 3, Barangay Llavac sa bayang ito, kamakalawa ng umaga.
Kinilala ng pulisya ang nasawing biktima na si Revel, 17 at residente ng Barangay Magsaysay, Siniloan, Laguna habang patuloy na nilalapatan ng lunas sa isang ospital sa Pakil, Laguna dahil sa tinamong mga sugat sa iba’t ibang parte ng katawan si Awen, 16, residente rin ng Siniloan, Laguna.
Base sa imbestigasyon, bandang alas-9:00 ng umaga ay minaneho ni Revel ang isang Yamaha Smash motorcycle at nakaangkas sa kanya si Awen.
Patungo umano ang mga ito sa town proper ng Real, Quezon nang tumbuking banggain ng Toyota Hi-Ace commuter van na patungong Famy, Laguna bound na minamaneho ni Rolando Marasigan, 72 ng Barangay Poblacion Uno, Real, Quezon.
Sa lakas ng pagkakabangga ay tumilapon ng may ilang metro ang motorsiklong sinasakyan ng dalawang minor na estudyante na naging sanhi ng grabeng pinsala at pagkamatay ng nagmamanehong si Revel.
Nabatid sa pulisya na nag-overtake sa isang sasakyan ang van at hindi na ito nakaiwas nang tumbukin ang motorsiklo.
Nahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide and serious physical injury and damage to property ang tsuper ng van.