Sa anti-gambling ops sa Cavite
CAVITE, Philippines —Dalawa ang sugatan kabilang ang isang pulis makaraang mauwi sa barilan ang ikinasang anti-gambling operation sa Brgy. H2, Dasmariñas City, kamakalawa.
Patuloy na inoobserbahan sa De La Salle University Medical Center si PStaff Sgt. Jose Granados, miyembro ng Intelligence/Station Drug Enforcement Unit (DEU) ng Dasmariñas City Police matapos na magtamo ng tama ng punglo sa tiyan at kanang binti.
Dinala rin sa Pagamutan ng Dasmariñas ang naarestong suspek na si alyas Mensu, nasa hustong gulang, residente ng Brgy H2 ng nasabing lungsod, matapos tamaan ng bala sa dibdib at ngayo’y guwardyado na ng mga pulis.
Sa ulat ng pulisya, alas-5:15 ng hapon habang nagsasagawa ng anti-illegal gambling operation ang mga operatiba ng Intel/DEU sa nasabing lugar nang maispatan nila ang suspek na nakatayo sa tabi ng isang bakanteng lote at sa ‘di malamang kadahilanan, agad niyang pinaulanan ng bala ang mga operatiba.
Dito nasapol ng mga bala si Granados habang masuwerte namang hindi natamaan ang ibang kabaro nito.
Nagkaroon ng habulan na nauwi umano engkuwentro hanggang sa mabaril ang suspek at masukol sa tulong at koordinasyon kay Brgy. Chairman Pundarola Panagandag ng Brgy. Sultan Esmael, Dasmariñas City kung saan siya tumakbo.