Sa pagpuga ng 8 preso
MANILA, Philippines — Agad na sinibak sa puwesto ang dalawang duty custodial officer ng San Jose Del Monte Police Station matapos matakasan ng walong preso kamakalawa ng madaling araw.
Ayon kay Police Master Sergeant Rod Pating, imbestigador sa kaso, kasalukuyang nasa admin holding facility ng SJDM police ang 2 pulis na ang ranggo ay isang Police Master Sergeant at Police Senior Master Sergeant habang isinasailalim sa imbestigasyon.
Sa ngayon, apat sa walong preso na nadakip at naibalik sa kulungan, kung saan dalawa sa kanila ay may kinakaharap na kasong may kinalaman sa iligal na droga, isa ang may kasong robbery, at isa ay may kasong arson.
Patuloy ang isinasagawang operasyon ng pulisya para mahuli ang natitirang apat na preso.
Nagawang makatakas ng mga inmates mula sa selda 4 ng SJDM Police Station sa pamamagitan ng pagsira o paglagari ng steel bar o bakal sa harang ng bintana sa comfort room ng kanilang kulungan.
Sinabi ni Pating, iniimbestigahan pa kung paano naipasok ang lagareng ginamit sa pagtakas.