Marawi siege veteran, bagong hepe ng AFP-Eastmincom
MANILA, Philippines — Itinalaga bilang acting commander ng AFP-Eastern Mindanao Command ang isang heneral na isa sa mga beterano ng Marawi siege na ikinasawi ng libong Maute-ISIS terrorist noong 2017.
Sinabi ni Col. Xerxes Trinidad, Chief ng AFP-Public Affairs Office (AFP-PAO) na ang turnover ceremony ay isinagawa kamakalawa upang italaga si Major Gen. Jose Maria Cuerpo II bilang acting commander kapalit ng nagretiro nang si Lt. Gen. Greg Almelor na sumapit na sa mandatory age retirement sa edad na 56.
Ang seremonya ay pinangasiwaan ni Lt. Gen. Charlton Sean Gaerlan, Deputy Chief of Staff ng AFP na kumatawan kay AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. sa seremonya na ginanap sa Naval Station Felix Apolinario sa Camp Panacan, Davao City.
Si Almerol, miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Makatao Class of 1989 ay nagpaalam na sa tropa ng mga sundalo ng AFP-Eastmincom na pinamunuan nito mula Marso 8,2021. Dati rin siyang nagsilbi bilang commander ng 903rd Brigade ng Philippine Army (PA) at deputy commander ng Southern Luzon Command.
Samantala si Cuerpo II, miyembro ng PMA “Bigkis-Lahi” Class 1990, na namuno bilang acting AFP-Eastmincom chief ay kasalukuyan ding commander ng PA-4th Infantry Division. Nagsilbi rin siyang commander ng 103rd Brigade at isa sa mga beterano ng Marawi siege noong Mayo 17, 2017 kung saan ang digmaan ay tumagal ng hanggang 5-buwan o hanggang Oktubre 2017.
- Latest