STO. DOMINGO, Albay, Philippines — Inireklamo na ni Mayor Joseling Aguas Jr., sa dalawang Kapulungan ng Kongreso ang malalang serbisyo ng Albay Electric Cooperative (Aleco) at hiningi ang tulong upang imbestigahan ang kooperatiba at mapabuti ang operasyon nito.
Sa sulat na ipinadala noong Mayo 21 ni Mayor Aguas kay Senador Raffy Tulfo at Cong. Lord Allan Velasco, kapwa chairman ng senate committe at house committe on power and energy ng senado at mababang kapulungan ay hiningi nito na tulungan ang kanyang bayan sa tinawag niyang “delubyong” serbisyo ng kuryente ng Aleco. Kailangan na umanong maimbestigahan ito “in aid of legislation”.
Ang 12-beses bawat araw na biglaang brownout na tumatagal ng 30-minuto hanggang 2-oras sa kanyang bayan ay hindi na nila matanggap.
Dahil sa naturang mga brownouts, hindi na rin normal ang pamumuhay sa nasabing bayan. Apektado na rin aniya sa borwnouts ang kalusugan ng mga residente at malaki na ang epekto sa trabaho at negosyo.
Ayon kay Aguas, hindi lang nararanasan ang problemang ito sa kanyang bayan kundi sa buong Albay pero hindi na niya hinintay ang aksyon ng liga ng mga alkalde sa buong lalawigan. May pinalilibot na ring signature campaign ang lokal na pamahalaan upang sa pamamagitan ng pirma ng mga mamamayan ay umaksyon ang iba pang sangay ng gobyerno.
Hiningi naman ni Anj Galero, tagapagsalita ng Aleco ang pang-unawa ng mga Albayano at sinabing may ginagawa na silang aksyon upang resolbahin ang problema sa buong lalawigan.
Sinabi naman ni Ako Bicol executive director Atty. Alfredo Garbin Jr. na matapos humingi ng tulong sa kanila ang Aleco ay kaagad na nagbigay si Cong. Elizaldy Co, chairman ng House committee on budget and appropriations bilang subsidiya ng gobyerno ng 500-milyong piso na gagamitin sa major rehabilitation ng kooperatiba sa buong lalawigan.
Nai-down load na umano ang budget sa tanggapan ng National Electrification Administration na siyang magpapatupad ng rehabilitasyon. Papalitan umano ang lahat ng sira at substandard na kable ng kuryente, transformer, ia-upgrade ang mga sub-stations at iba pa.