MANILA, Philippines — Pumalo na sa pito katao ang naitalang patay habang nasa 36,143 katao ang naapektuhan sa pananalasa ng bagyong Aghon sa CALABARZON, Bicol at Visayas Region, ayon sa Office of Civil Defense (OCD) nitong Martes.
Sa ipinalabas na update ng OCD, kabilang sa mga nasawi ay isang 7-buwang sanggol na lalaki na nalunod sa Pagbilao at 14-anyos na si John Rey Ortiz de Ramos na nadaganan naman ng nabuwal na punongkahoy sa Lucena City; pawang sa lalawigan ng Quezon.
Ang apat pa sa mga nasawi ay sina Germie Pabulayan Salibio, 56 (nalunod sa bayan ng Mauban); Archie Toria Miguel, 22, (nalunod sa Lucena City); Melbert Cori Senado, 39 (nadaganan ng nabuwal na punong kahoy sa Lucena City) at Marcelino Rias Estolino, 50 (natumbahan ng nabuwal na puno sa bayan ng tiaong, mula rin sa nabanggit na lalawigan.
Isa naman ang iniulat na nasugatan na si Nelia Roldan, 72-anyos taga-Mauban na nagtamo ng sugat sa kaniyang ulo nang madulas.
Sa report, ang mga biktima ay nasawi sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Aghon na kinumpirma ng pulisya at ng lokal na Office of Civil Defense (OCD) sa CALABARZON.
Ang anim na nasawi ay karagdagan sa isang una nang kinumpirma ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na isang 14 anyos na dalagitang estudyante na nadaganan ng nabuwal na punong kahoy habang lulan ng tricycle sa Balingasag, Misamis Oriental.
Sa report ng NDRRMC, nasa 12,436 pamilya o kabuuang 36,143 katao ang naapektuhan mayorya rito ay mula sa CALABARZON. Ang iba pang mga apektadong residente ay mula naman sa MIMAROPA, Bicol, Central Visayas, Eastern Visayas at National Capital Region.
Samantala, kabuuang 7,249 pamilya o katumbas na 27,097 katao na inilikas at pansamantalang nanuluyan sa mga evacuation centers ay nasa 5,321 pamilya na lamang o kabuuang 22,040 katao nitong Martes matapos magsiuwian na sa kanilang mga tahanan.