MANILA, Philippines — Dahil sa loopholes o mga butas sa batas kaya nalusutan ang pamahalaan at nakapagtayo ng mga resort sa pamosong “protected area” sa Chocolate Hills sa Sagbayan, Bohol na naging viral sa social media matapos itong batikusin ng netizens.
Ito ang iginiit nitong Lunes ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo matapos itong lumitaw sa pagdinig ng Committee on Natural Resources na pinamumunuan ni Negros Occidental 2nd District Rep. Alfredo Marañon hinggil sa illegal na pagpapatayo ng Captain’s Peak resort sa Chocolate Hills na tinaguriang national heritage, at idineklarang geological park ng UNESCO.
Partikular na tinukoy ni Tulfo ang kapabayaan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil sa pagpayag nito na maipatayo ang nasabing resort.
“The problem na nakita ng committee na ito, headed by Chairman Marañon, was may loopholes, may gray area. Tama ‘yung sinasabi ni Chair na dapat ito is DENR’s job,” ani Tulfo,
Napag-alaman na ang Captain’s Peak ay nakatayo sa tinaguriang “alienable and disposable land” na idineklara ng pamahalaan noong pang 1920s na ang ibig sabihin ay pwede na itong maibenta sa pribadong indibidwal.
Sa pamamagitan ng Proclamation No. 1037 noong panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos, idineklara ang Chocolate Hills na isang “natural monument” para protektahan ang Chocolate Hills at nagbabawal sa anumang istruktura sa naturang lugar.
Pero noong panahon ni ex-Pres. Gloria Macapagal-Arroyo, inamyendahan ito sa pamamagitan ng Proclamation No. 333 at pinagbawalan lamang na makapagpatayo ng istruktura sa Chocolate Hills at 20 meters mula sa baseline ng bawat hill.
“Yung sinasabi nila, kahit na sabihin nila 1926 pa, alienable, pwede na ibenta, pwede na i-develop yung lugar na yun. Pero por Diyos por Santo, I mean, national heritage, tourist attraction, lalagyan mo naman kung ano-ano, hindi maganda sa mata, di ba?” ani Tulfo.
Kinatigan naman ni Rep. Marañon at maging ni Kabataan partylist Rep. Raoul Manuel, na base sa kanilang imbestigasyon, malaki ang pagkukulang ng DENR dahil sa pagpayag sa pagpapatayo ng kontrobersyal na resort sa kabila nang ito ay pinagbabawalan ng batas.