Mag-asawa huli sa higit P.5 milyong shabu, mga baril

MANILA, Philippines — Arestado sa joint operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) ang mag-asawa mula sa lalawigan ng Ilocos Sur, matapos na isilbi ang search warrant at makuhanan ng higit P.5 milyong halaga ng shabu at  mga baril nitong Miyerkules.

Kinilala ang mag-asawa na sina Aniceta Bernardo Ustari, na target ng operasyon at asawa nitong si Michael Toledo Ustari, na sinasabing  high-value target drug personality.

Batay sa report, nagsagawa ng joint operation dakong alas-11 ng umaga nitong Mayo 15  ang PDEA-Ilocos Sur Provincial Office (PDEA ISPO), PNP Police Regional Office I- Regional Intelligence Division (PRO I- RID), Ilocos Sur Police Provincial Office-Provincial Drug Enforcement Unit (ISPPO-PDEU), ISPPO-Provincial Intelligence Unit (ISPPO-PIU), ISPPO-1st Provincial Mobile Force Company (ISPPO-1st PMFC), at  Santa Police Station para sa pagsisilbi ng search warrant sa bahay ng mag-asawa sa Santa, Ilocos Sur.

Nagpositibo ang operasyon na nagresulta ng pagkakasamsam ng 13 heat-sealed transparent plastic sachet  na naglalaman ng 80 gramo ng shabu na umaabot sa P560,000, weighing scale, drug paraphernalia, cash at  cal. 45  na baril.

Show comments