Carwash ni Kap, ginawang shabu den ng 2 tauhan

CAVITE, Philippines — Arestado ang dalawang carwash boy makaraang maaktuhan umanong humihithit ng shabu sa isang kuwarto ng carwash station na pag-aari ng kapitan ng barangay, kahapon ng madaling araw sa Guerrero St, Ken Carwash, Brgy. Salinas 2, Bacoor City.

Kinilala lang ang mga suspek sa mga alyas na John at Felimon, kapwa nasa hustong gulang at empleyado ni Brgy. Chairman Mark Anthony Guerrero Torno ng Brgy. Salinas 2, Bacoor City.

Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-12:30 ng madaling araw nang maaktuhan ng isang tauhan ni Kap. Torno ang dalawang suspek sa loob ng isang kuwarto ng carwash station na nagsasagawa ng shabu session.

Nauna rito, pinatawag ni kapitan sa isang tauhan nito ang dalawang suspek kaya agad na nagtungo ang inutusan sa carwash station. Gayunman, wala ang dalawa sa labas kung kaya nagdiretso siya sa kuwarto na tinutuluyan ng dalawa at inakalang nagpapahinga lamang.

Subalit pagbukas nito ng pinto, bumulaga rito ang dalawang suspek na shabu jamming.

Kinompronta ng empleyado ang dalawang suspek at sinabihan na sumama sa kaniya sa barangay at agad na sinabi kay kapitan ang nasaksihan.

Narekober sa loob ng kuwarto, ang mga drug para­phernalia, at mga plastic sachet na pinaglagyan ng mga shabu.

Show comments