Joyride driver hinoldap ng pasahero, suspek timbog

Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-9:30 ng gabi nang sumalpok ang motorsiklo sa gilid ng Barangay Hall na ng una ay inakalang aksidente ito, subalit kahit sugatan ay nagsisigaw ang biktima na hinoholdap siya ng sakay nitong isang lalaki na agad nakatawag ng pansin sa mga tanod.
Philstar.com / Jovannie Lambayan

Motor ibinangga sa tabi ng Barangay Hall

CAVITE, Philippines — Kahit na mapanganib, nagdesisyon pa rin ang isang Joyride driver na ibangga ang minamaneho nitong motorsiklo sa tabi ng Barangay Hall upang mahadlangan at mahuli ang sakay nitong kustomer na nangtangkang mangholdap sa kanya, kamakalawa ng gabi sa Brgy. Salitran 4 Dasmariñas City. 

Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-9:30 ng gabi nang sumalpok ang motorsiklo sa gilid ng Barangay Hall na ng una ay inakalang aksidente ito, subalit kahit sugatan ay nagsisigaw ang biktima na hinoholdap siya ng sakay nitong isang lalaki na agad nakatawag ng pansin sa mga tanod.

Sa pahayag ng biktima na kinilalang si alyas Jake, nasa pagitan ng alas-7-8 ng gabi kasalukuyan umano siyang nakaupo sa kaniyang motorsiklo at naghihintay ng booking sa kaniyang cellphone apps sa may Gil Puyat, Makati City,  nang lapitan ito ng suspek at nagpapahatid sa Summerwind, Barangay Salitran 3, Dasmariñas City. 

Agad namang isinakay ng biktima  ang suspek at nang makarating na sila sa may Jose Abad Santos Ave. Andrea­ville, Barangay Salitran 4, Dasmariñas City, dito na siya umano tinutukan ng patalim ng suspek sabay deklara ng holdap.

Nakiusap pa umano ang biktima sa suspek subalit sinabihan siya na sasaksakin nito kapag hindi tumigil. Dito na lakas loob na nagpasya ang biktima na ibangga ang minamanehong motorsiklo sa tabi ng Barangay Hall.

Agad na naaresto ang suspek at narekober dito ang patalim na gamit at sa loob ng dala nitong bag ay may nakuhang granada ang pulisya.

Nasa maayos na kalagayan na ang biktima habang nakakulong na ang suspek at sinampahan ng kasong Robbery Hold-Up at paglabag sa R.A. 9516.

Show comments