Libong katutubong Blaan, naserbisyuhan sa medical mission
KORONADAL CITY, Philippines — Halos 1,000 na mahihirap na kasapi ng tribong Blaan ang nagkabiyaya sa isang medical mission kamakalawa ng magkasanib na local government unit ng Kiblawan sa Davao del Sur at isang mining company na nakatakda nang magmina ng copper at gold sa South Cotabato sa susunod na taon.
Sa ulat nitong Lunes ng umaga ng mga himpilan ng radyo sa mga lungsod ng Kidapawan, General Santos at Koronadal, kinumpirma ng ilang local officials ng Kiblawan, kabilang sa kanila si Mayor Joel Calma, na marami sa mga nabiyayaan sa naturang medical mission sa Kimlawis, katuwang ng mga barangay officials at kawani ng Sagittarius Mines Incorporated (SMI), ay mga matatandang Blaan at mga batang may iba’t ibang karamdaman.
Nakatakda nang isagawa ng SMI ang mining operations, sa pahintulot ng national government, ng central office ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) at ng mga Blaan tribal councils, ang Tampakan-Copper Gold Project sa Tampakan, South Cotabato kung saan mayroong tinatayang US$200 million na halaga ng copper at gold deposits sa mga Blaan ancestral lands sa naturang bayan.
Sakop ng magiging operasyon ng Tampakan-Copper Gold Project sa Tampakan, 16 kilometro lang ang layo sa Koronadal City na siyang kabisera ng South Cotabato, ang ilang mga barangay sa Kiblawan at sa mga bayan ng Columbio at Malungon, Sultan Kudarat at sa Sarangani.
- Latest