Kakandidatong konsehal, itinumba ng tandem!
P.5 milyong reward vs killer alok ni Cong. Jolo
CAVITE, Philippines — Patay ang isang negosyante na nakatakdang kumandidato sa pagka-konsehal ng bayan para sa darating na 2025 elections matapos siyang pagbabarilin ng riding-in-tandem habang papasok na sana ng kanyang bahay, kamakalawa sa Brgy. Magdalo-Potol, bayan ng Kawit.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Jose Luis Rieta Granados, mas kilala sa pangalang “Jholo Papi”, businessman at residente ng Brgy. Magdalo-Potol, Kawit, Cavite
Sa paunang imbestigasyon, kababa lang umano ng biktima sa kanyang sasakyan at papasok na sana ng kaniyang bahay nang biglang dumating ang isang motorsiklo sakay ang dalawang armadong lalaki at agad siyang pinagbabaril.
Duguang bumulagta ang biktima habang mabilis ma tumakas ang mga suspek.
Nagsasagawa na ng followup operation at investigation ang pulisya upang matukoy at madakip ang suspek. Inaalam din ang motibo sa krimen.
Mariin namang kinondena ni Cavite 1st District Rep. Ramon Jolo Revilla III ang pagpaslang kay Granados.
“Si Jholo “Papi” Granados ay kilalang mabait at matulungin na kababayan sa kanyang barangay at sa bayan ng Kawit. Siya ay naka-line up na kumandidato bilang konsehal sa paparating na halalan sa susunod na taon sa ilalim ng ating partido sa Unang Distrito,” pahayag ni Revilla sa kanyang post sa Facebook.
Nag-alok na rin si Revilla ng halagang P500,000 o kalahating milyong piso para sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon o makakapagturo sa mga pumatay sa biktima.
- Latest