COTABATO CITY, Philippines — Tumanggap ng cash allowance ang 300 Islamic teachers sa lalawigan ng Cotabato mula sa kanilang provincial government bilang suporta sa kanilang pagsisikap na maisulong ang Muslim-Christian solidarity sa kani-kanilang mga komunidad.
Sa ulat nitong Linggo, bawat isa sa naturang mga guro ay tumanggap ng kabuuang P1,500 cash bilang allowance mula Enero hanggang Marso ngayong taon.
Personal na inihatid ng mga kawani ng tanggapan ni Gov. Emmylou Taliño-Mendoza nitong Mayo 2, ang naturang three-months allowance na P500 kada buwan, para sa 300 na benepisyaryong guro ng mga Madrasah o Islamic schools sa iba’t ibang bayan sa probinsya.
Pinangunahan ni Edris Gandalibo, senior staff ng Cotabato Provincial Governor’s Office-Moro Affairs ang pamimigay ng P1500 cash allowance ng mga Islamic religion teachers na isa nang regular na programa ng tanggapan ni Gov. Mendoza bilang suporta at pagtangkilik sa mga Moro communities na sakop ng kanyang administrasyon.
Kilala si Mendoza, chairperson ng Regional Development Council 12, at ang kanyang sakop na 18 mayors na masigasig na mga supporters ng peace process ng Malacañang at mga komunidad ng mga Moro sa probinsya ng Cotabato at sa mga bayan ng Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur na sakop ng Bangsamoro region.