MANILA, Philippines — Isang Nigerian national ang naaresto matapos salpukin at takasan ang kanyang nasalpok at maging ang pulisya na humabol sa kanya, kamakalawa ng hapon sa Gen. Trias City, Cavite.
Nahaharap sa patung-patong na kaso ang suspek na kinilala sa alyas na Chibuike,nasa hustong gulang.
Sa ulat, alas-3:00 ng hapon nang makatanggap ng tawag ang pulisya hinggil sa pangyayaring pagbangga ng sasakyan ng suspek sa isang kotse sa Brgy.San Francisco ng nasabing lungsod na tinakasan nito.
Nagsagawa ng dragnet operation ang pulisya at tinangkang harangin upang kausapin ang suspek, subalit sinalpok ng suspek ang mobile patrol na muling tumakas.
Nagkaron ng habulan hanggang sa makorner ang suspek sa may Malabon Bridge at dito na ito naaresto.
Kasong Reckless Imprudence Resulting to Damage to Property & Violation of RA 4136 (Driving Without License) ang isinampa sa Nigerian.