F2F classes sa public schools sa Rizal, suspendido
MANILA, Philippines — Sinuspinde ni Rizal Governor Rebecca Ynares ang face-to-face classes sa mga pampublikong paaralan sa lalawigan ng Rizal hanggang ngayong Biyernes dahil sa nararanasang matinding init ng panahon.
Ang suspensiyon ay inanunsiyo ni Ynares sa isang Facebook post kamakalawa ng gabi.
Nabatid na sakop ng suspensiyon ng F2F classes mula Mayo 2, Huwebes, hanggang Mayo 3, Biyernes, ang lahat ng antas sa mga pampublikong paaralan sa buong lalawigan.
Pinayuhan din ni Ynares ang mga school authorities na gumamit na lamang muna ng alternative learning modalities gaya ng asynchronous/blended learning, at iba pa.
Nilinaw naman ni Ynares na hindi sakop ng kautusan ang mga pribadong paaralan.
Ipinaubaya na lamang niya ang pagsuspinde ng face-to-face classes sa private schools sa diskresyon ng kanilang school administration.
- Latest