MANILA, Philippines — Limang pinaghihinalaang miyembro ng Dawlah Islamiyah-Maute terrorist group ang napaslang kabilang ang kanilang sub-leader habang lima namang sundalo ang nasugatan matapos ang kanilang engkuwentro sa liblib na bahagi ng Brgy. Cadayonan, Munai, Lanao del Norte nitong Lunes.
Kinilala ni AFP Westmincom commander Lt. Gen. William Gonzales ang mga napatay na terorista na sina Najeb Laguindab, may mga alyas na Abu Jihad/Abu Yad, sub-leader ng DI-MG terrorist, at mga tauhan na sina Johaiver Dumar, alyas “Juhayber/Julaibib”; Salman Dimapinto Nasrudin alyas “Shuay’b”; Mohaimen Hadji Ali alyas “Ibn Sali”, na isa sa mga lookout sa pambobomba sa gymnasium ng Marawi State University noong Disyembre 3, 2023 at alyas Muslima/Payko.
Sa report ni Major Gen. Gabriel Viray III, commander ng 1st Infantry Division (ID), dakong alas-3:42 ng madaling araw nang magsagawa ng operasyon ang mga elemento ng 9th Scout Ranger Company (src), 3rd Scout Ranger Battalion (src) at First Scout Ranger Regiment (FSRR) ng 103rd Infantry Brigade (IB) ng Philippine Army laban sa nalalabi pang miyembro ng DI-Maute group sa nasabing lugar.
Dito’y nasabat ng tropa ng mga sundalo ang nasa 12 kasapi ng naturang teroristang grupo sa ilalim ng pamumuno ni Nasser Daud, may mga alyas na “Mahater”, “Ustads Nasser” at “Masod” sanhi ng sagupaan na tumagal ng 45 minuto na ikinabulagta ng limang terorista na inabandona ng mga nagsitakas na kasamahan.
Sa pagtugis sa mga bandido, dito muling sumiklab ang bakbakan ng alas-6:30 ng umaga na tumagal ng 10 minuto.
Inihayag ni Viray na limang sundalo ang nasugatan sa naturang mga bakbakan na mabilis na isinugod sa pagamutan para malapatan ng lunas.
Narekober ng militar sa encounter sites ang dalawang bandolier, isang rifle grenade, isang cellphone at isang Baofeng commercial radio ng mga bandido.