CABANATUAN CITY, Nueva Ecija, Philippines —Isa-isang tinalo ni Woman National Master Millery Gen Subia ang pitong nakatunggali nito upang makuha ang gintong medalya sa Chess Blitz Elementary Girls sa ginaganap na 2024 Central Luzon Regional Athletic Association (CLRAA) na idinaos sa SM City-Tarlac nitong Abril 29.
Ang 10-taong gulang na wonderkid mula sa Cabanatuan City at grade 5 pupil ng Wesleyan University-Philippines ay nakapagtala ng 7 wins - 0 loss record at sumandal sa kanyang malalim na kaalaman sa endgame sa pagdaig sa kanyang mga naging kalaban.
Sa round 1 ay tinalo ni Subia si Fern Floriet Macabulos ng Bataan, pagkatapos ay sunod na dinaig si Erin Aicina Legazpi ng Bulacan sa round 2, habang pinadapa ang kababayan niyang si Stephanie Equiza ng Nueva Ecija sa round 3, at si Aleia Teberio ng City of San Fernando sa round 4.
Ang sumunod pang dalawang panalo ni Subia kontra kina Princetine Mendez ng Aurora sa round 5 at sa isa pa niyang kababayan na si Gracious Elijah De Vera ng Nueva Ecija sa round 6 ay tila naging madali kay Subiaa nang maghabol sa oras ang dalawa niyang katunggali.
Sa round 7 ay nakipagpalitan ng mga piyesa si Subia laban kay Soffia Joy Mamangun ng Pampanga, at pinatibay ang kanyang depensa sa kingside na hindi umano nabasag ni Mamangun upang manalo sa laban.
Sinabi ng batang chess master na nagkaroon din siya ng agam-agam sa torneyo lalo na umano sa middle rounds ng labanan.