COTABATO, Philippines — Tumanggap ng mga medalya bilang pagkilala sa kanilang kagitingan ang pitong sundalong bahagyang nasugatan nangg makaengkwentro nitong Lunes ang grupo ng mga terorista sa Maguindanao del Sur kung saan 12 na mga kalaban ang kanilang napatay.
Isa sa mga napatay ng mga sundalo sa naturang insidente, naganap sa Barangay Kitango sa Datu Saudi Ampatuan sa Maguindanao del Sur, ang pinakamataas na leader ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters na si Kagui Karialan na Mohiden Animbang ang tunay na pangalan.
Mismong ang commander ng 6th Infantry Division, si Major Gen. Alex Rillera, ang naggawad ng medalya sa mga sugatang Scout Rangers na sina 2nd Lt. Knigle Bastian, Sgt. Oliver Lanestosa, sina Privates 1st Class Gerald Alawin, Michael Composo at Private Jay-Ar Alocada, at dalawang iba pa, sina Private Jericho Watil at Staff Sgt. Rold Romualdo, ng 92nd at 99th Infantry Battalions, ayon sa pagkakasunod.
Isinagawa ang naturang simpleng seremonya sa loob mismo ng Camp Siongco Hospital sa Camp Siongco sa Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao del Norte.
Magkatuwang na pinangunahan nina Rillera at Lt. Col. Erwin Felongco, assistant chief of staff for personnel ng 6th ID, ang paggawad ng medalya sa pitong magigiting at matatapang na sundalo.
Ayon kay Rillera, malaking kawalan sa BIFF ang pagkamatay ni Animbang sa naturang engkuwentro makaraang matunton ng mga tropa ng iba’t ibang unit ng 6th ID ang kanilang kinaroroonan sa Barangay Kitango sa tulong ng mga opisyal ng Datu Saudi Ampatuan local government unit.