2 PAF helicopter dineploy sa forest fire sa Camarines Sur
MANILA, Philippines — Nag-deploy ang Philippine Air Force (PAF) ng dalawang helicopter para tumulong sa pag-apula ng forest fire sa Mt. Asog sa Iriga City, Camarines Sur, ayon sa opisyal kahapon.
Sinabi ni PAF Spokesperson Col. Maria Consuelo Castillo, isang Super Huey II at isang Bell 205 helicopter sa ilalim ng Tactical Operations Wing ng Southern Luzon ang kanilang idineploy at nagsagawa ng heli-bucket operation o pagsasaboy ng tubig sa sunog noong Lunes sa Mt. Asog.
Ayon kay Castillo, katuwang nila sa pagapula sa sunog ang Bureau of Fire Protection ng Camarines Sur, 49th Infantry Battalion (IB) ng Phil. Army at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office.
Bukod rito, nagsagawa rin ang PAF ng Rapid Damage and Needs Assessment (RDANA) para makita ang lawak ng pinsala sa forest fire at matukoy ang mga pangunahing pangangailangan ng mga apektadong residente.
Nanawagan naman si Office of Civil Defense (OCD) Director Claudio Yucot sa publiko na iwasan ang pagsisiga lalo na ng mga nagkakaingin sa bundok upang maiwasan ang forest fire.
Dahil sa insidente, pansamantalang sinuspinde ang “outdoor at adventure” na mga aktibidades sa Mt. Asog dahil sa sunog sa isang bahagi ng bundok.
- Latest