MARIVELES, Bataan, Philippines — Sa kabila ng matinding init ng panahon na nararanasan sa bansa, hindi umano apektado ang operasyon ng dalawang power plant na nakatayo sa Barangay Alas Asin ng lalawigang ito .
Ayon kay AVP for Community Relations ng GMEC at GNPD Power Plant Arcel Madrid, tuluy-tuloy umano ang operasyon ng dalawang planta na G Mariveles Energy Center at GN Power Dinginin sa kabila ng kakapusan ng supply ng kuryente sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas region.
Ang pagtitiyak ay ginawa ng nasabing mga planta matapos hilingin ng Department of Energy (DoE) at National Grid Corporation (NGCP) na bantayan ang kanilang operasyon matapos makaranas ng force shutdown ang nasa mahigit 20 power plant sa bansa na kung saan dahilan upang umabot sa 1,968 megawatts ang kanilang power shares.
Matatandaan kamakailan na una nang nagdeklara ang NGCP ng red at yellow alert dahil sa kakulangan ng kuryente sa Luzon at Visayas subalit kalaunan ay nagbalik-normal na makaraan lamang ng isang linggo.