BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Nanguna sa puwesto ang lalawigan na ito sa listahan ng Top 10 fastest growing provinces at Highly Urbanized Cities (HUC) sa buong bansa, ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Batay sa datos ng PSA, ang lalawigan ng Nueva Vizcaya ay nanguna batay sa resulta ng 2023 Provincial Product Accounts (PPA) mula sa 16 na pilot regions ayon sa Gross Value Added (GVA) sa labas ng National Capital Region.
Inungusan ng Nueva Vizcaya ang ibang mga malalaking probinsya na kabilang sa 82 mga lalawigan at 17 mga highly urbanized cities sa Pilipinas.
Umarangkada ang Nueva Vizcaya bilang fastest annual growth in GVA of Industry na may 27.3%, pumangalawa ang Sorsogon na may 18.7%; Zambales-17.3%; Masbate-16.6%; Misamis Occidental-16.4%; Kalinga-16.3%; City of Butuan-15.9%; Abra-15.6%; City of Iloilo-14.7%, at ang City of Olongapo na may 14.5% growth.
Nalampasan din ng annual growth rate ng top 10 provinces ang national GDP growth rate na pumalo lamang sa 6.5%.
Ang GVA ay kontribusyon mula sa mga korporasyon o industriya tulad ng mining and quarrying, manufacturing, construction and electricity, steam, water at ang waste management.
Samantala, tiniyak naman ni Nueva Vizcaya Governor Atty. Jose “Jing” Gambito na patuloy na tututukan at pasisiglahin ng provincial government ang takbo ng ekonomiya sa lalawigan para makatulong sa kaunlaran ng buong bansa.